Talumpati

Isang Piraso ng Blangkong Papel

ni Winver Alicando


Magandang umaga! Tanungan na agad… Pero bago iyon, pakitaas muna ang kamay ng lahat na nakaranas na lumikha o magsulat ng kuwento, tula, o kahit anong sulatin. Paano ba tayo nag-uumpisa? Sa panulat at papel hindi ba? Sa pag-organisa ng mga ideya at pag-aayos ng mga kaisipan. Pero hindi iyan ang aking pokus, ang pokus ko ay ang simpleng blangkong papel muna, na siyang representasyon ng buhay ko, mo, at nating lahat.
Subukan nating bumalik sa umpisa, sa blangko, sa zero, sa wala. Lahat ng tao ay nag-umpisa sa wala. Lahat ng tao ay nag-umpisa sa wala. Nagsimula bilang mga cell hanggang sa naging fetus at sanggol. Ito iyong parte ng buhay natin kung saan inilalatag pa lamang ang ating kapalaran.
Walang masama sa pag-uumpisa sa wala, tama? Ang masama ay ang mamatay ng wala pa rin. Iyong tipong sinayang mo lang ang lahat ng oras at panahon mo sa mga bagay na pagsisisihan o panghihinayangan mo pagdating ng araw. Siguro nga, hindi ko dapat pakialamanan ang buhay ng may buhay, ngunit subukan nating isipin ang hinaharap, ang mga susunod na pahina ng ating mga kuwentong unti-unting gumagapang patungong kasukdulan.
Hindi naman masamang tanungin natin yung sarili natin paminsan-minsan. At ako mismo, aminado akong madalas kong ginagawa iyon. Ito, subukan mo ngayong itanong sa sarili mo; kung ang buhay ko’y isang kuwento na may mga pahina at ang aking oras ang siyang tinta, sinasayang ko ba ang tinta ko sa mga bagay na walang katuturan? O sinusulit ko ba ito ng maigi? … Hindi ba’t ang simple lang ng tanong? Ngunit sinisisid nito ang kalaliman ng iyong isip at konsensya. Kasi kung sa palagay mong sinasayang mo nga lang ang iyong oras o ang tinta, hindi ba’t nakakabahala? Sapat na ba para sa iyo ang kung sino ka ngayon at lalagyan mo na ng tuldok ang iyong pagkatao? O pipiliin mo pa ring maging matapang at handa para sa paglipat ng pahina ng iyong istorya, para ipagpatuloy ang paggawa ng mas marami pang magagandang kabanata at alaala.
Mga kaibigan, totoong lahat tayo’y nag-umpisa sa wala at binigyan tayo ng Dakilang Lumikha ng blangkong papel para mag-umpisa. At binigyan niya rin tayo ng oras bilang tinta na siyang maglalagay ng mga kuwento sa ating mga nobela. At ito ang ating naging lamang bilang mga kabataan.. Ang dami ng tintang natitira para baguhin natin ang daloy ng ating istorya.
Ngayon, desisyon mo nalang ang hinihintay. Matagal nang nag-umpisa ang iyong kuwento. Pero malayo pa ang katapusan. Marami ka pang pagdaraanan at marami ka pang kailangang lagpasan. Hindi sa nananakot ako pero ang oras ay umaandar at ito’y napakamakapangyarihan. Wala man tayong pambura para sa pagkakamali ng ating nakaraan, basta’t hindi pa ubos ang ating tinta, ay hindi pa huli ang lahat. Kung sa iyong palagay ay tama naman ang iyong paggamit ng tinta… binabati kita. Pero kung sa tingin mo naman ay ang paggamit mo’y sakto lang, minsan sayang at minsan hindi o kung sa palagay mo’y malaki na ang nasayang mo, ‘wag mo na sanang dagdagan pa. Trops, kaibigan, bes at besh, tama na ang pagsasayang ng tinta, nasasayang na rin ang mga pahina, tulungan mo ang sarili mo at tutulungan ka rin ng mga taong nakapaligid sa’yo. Alam kong hindi ka hanggang diyan lang at ika’y higit pa sa kung sino ka sa ngayon. Kaya tara, ngayon na, wag na puro mamaya. Sa isang piraso ng blangkong papel, simulan nang planuhin ang mas masayang bukas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s