Talumpati

Pilit na Hinog

ni Ma. Lyca Valdez


Sa panahon ngayon maraming isyung panlipunan ang nasasangkot ay mga kabataan katulad ng droga, krimen at iba pa. Sa talumpating ito nais kong talakayin ang isa sa isyung panlipunan na dapat bigyang pansin, ito ay ang teenage pregnancy o maagang pagbubuntis.

“Ayayay,Ayayay,Ayayay ang pag-ibig kapag pumasok sa puso ay maligalig”. Ang pag-ibig ay talaga naman maligalig, ulti mo sa murang edad ng mga kabataan ay tinatamaan nito. Pabata ng pabata ang nagkakaroon ng kasintahan. Hindi naman masama ang pagkakaroon ng kasintahan subalit. dapat alam natin ang ating limitasyon. Maraming kabataang babae ay ibinigay na nila ang kanilang sarili sa kanilang kasintahan dahil sa sobrang pagmamahal at nawawala sa kanilang isipan ang magiging resulta ng pakikipagtalik ay pagkakaroon ng anak. Nakakaalarma ang bilang ng mga kabataang nabubuntis. Ayon sa datos ng Philippine National Demographic and Health Survey nitong 2017, 22.4 porsyento ng mga babaeng edad 19 ang nagiging nanay na. Sa mga 18 anyos naman, 12.8 porsyento sa kanila ang nagsilang na. habang 4.9 porsyento naman ng mga 17 ang maagang naging ina. Ang mga 15 at 16 anyos na maagang nagkakaroon ng anak ay nasa 0.5 at 3.7 porsyento.

Malaking tulong sa buhay natin ang teknolohiya ngunit, ang paggamit ng teknolohiya kagaya ng cellphone at social media ay isa ring pangunahing sanhi sa paglaganap ng teenage pregnancy. Batay sa nilunsad na Young Adult Fertility and Sexuality study o YAFS 4 ng UP Population Institute and The Demographic Research and Foundation, lumalabas dito na ang mga kabataang may internet at pornographic materials ay may posibilidad na makipagtalik ng maaga. Karamihan sa mga kabataan ngayon ay may kaniya-kaniyang mga gadget at kapag mayroong internet ay tiyak na makakahalungkat ng mga bagay o impormasyon kaya, namumulat ang mga kabataan sa katotohanan at pagbabago ng mundo. Hindi din maiiwasan ng mga kabataan na makakita ng mga malalaswang imahen at napapanood na nagkalat sa internet. Kaya naiimpluwensyahan ang mga kabataan sa paggawa ng masama. Marahil nga’y sa tahanan ang mga kabataan ay nababantayan ngunit kapag lumabas na sila ng tahanan sila na ang reponsable at gumagawa ng sariling desisyon. Ang mga kabataan na naliligaw ng landas lalo na ang mga kababaihan marahil ay dahil sa kawalan ng maayos na female role model sa loob ng tahanan.

Kung kaya’t dapat din na magkaroon ng kaalaman ang mga kabataan tungkol sa sex education dahil ayon kay Dr. Lulu Marquez. mahalagang matalakay sa bahay pa lang ang sex education dahil base sa datos, sa mga kaanak pa rin pangunahing kumukuha ng impormasyon ang teenagers tungkol sa ganitong sensitibong usapin. Sa huli, ang mga magulang ay may malaking papel sa paggabay sa kanilang mga anak sa mga bagay na hindi dapat ginagawa ng isang kabataan. Panatiliing magkaroon ng komyunikasyon sa mga kabataan at ipaintindi ang mga magiging epekto sa paggawa ng mali na makahahadalang sa pagkamit ng kanilang pangarap.

Leave a comment